Linggo, Oktubre 13, 2024

Ang natanggal na 19 na tula sa Bagong Edisyon ng Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula

ANG NATANGGAL NA 19 NA TULA SA BAGONG EDISYON NG JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagagalak akong nasa aking munting aklatan na ang dalawang edisyon ng aklat na JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA. 

Ang una ay nabili ko sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003, sa halagang P250.00. Ito'y unang inilathala noong 1984 ng Aklat Balagtasyana na proyekto ng Samahang Balagtas at Felix Antonio Ople Foundation, Inc. Muli itong inilathala ng De La Salle University Press noong 1995.

Makalipas ang dalawampu't isang taon, nabili ko ang ikalawang edisyon sa Gimenez Gallery ng UP Diliman noong Abril 17, 2024, sa halagang P350.00 habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas na aking dinaluhan. Ang nasabing aklat ay inilathala ng San Antelmo Press noong 2022.

Subalit sa aking pagbabasa sa ikalawang edisyon ay napansin kong nagkulang ang mga tula.

Kalakip pa sa unang edisyon ang Paunang Salita ng noon ay buhay pang si Blas F. Ople, na naging kalihim ng Paggawa. Subalit nawala na iyon sa ikalawang edisyon. Humaba naman at nirebisa ni national artist Virgilio S. Almario ang kanyang sanaysay na pinamagatang "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus", na sa ikalawang edisyon, ang Tula ay naging Pagtula.

Hinati sa apat na bahagi ang mga tula ni de Jesus, na kilala rin bilang makatang Huseng Batute. Ito'y ang:

(a) Ibong Asul;
(b) Ang Pamana;
(c) Sa Siyudad ng Ilaw; at
(d) Bayan Ko.

Sa unang edisyon, may tatlumpu't dalawang tula sa Ibong Asul, may tatlumpu't walong tula sa Ang Pamana, may tatlumpu't dalawang tula sa Sa Siyudad ng Ilaw, at may dalawampu't siyam na tula sa Bayan Ko. Ang sumatotal ay isandaan tatlumpu't isang tula. (32+38+32+29=131)

Sa ikalawang edisyon naman, may dalawampu't siyam na tula sa Ibong Asul, may tatlumpu't dalawang tula sa Ang Pamana, may dalawampu't apat na tula sa Sa Siyudad ng Ilaw, at may dalawampu't pitong tula sa Bayan Ko. (29+32+24+27=112)

Kaya may labingsiyam na tulang tinanggal sa ikalawang edisyon. (131-112+119) Sa Ibong Asul, nawala ay apat na tula subalit nadagdagan ng isa pang tulang wala sa unang ecdisyon, pitong tula ang nawala sa Ang Pamana subalit ang tulang Sa Dati Ring Perya na nasa Sa Siyudad ng Ilaw ay nailipat sa Ang Pamana, pito sa Siyudad ng Ilaw at dalawa sa Bayan Ko. (3+7+7+2=19)

Ano-ano ang mga pamagat ng mga tulang nawala? Isa-isahin natin:

(a) Ibong Asul
1. Kalupi ng Puso (Taliba, Agosto 27, 1926)
2. Agaw-Dilim (Taliba, Disyembre 13, 1927)
3. Tagpi (Taliba, Abril 10, 1929)
4. May mga Tugtuging Hindi Ko Malimot (Taliba, Hulyo 23, 1929)

32 tula sa unang edisyon minus apat sa ikalawang edisyon ay 28, plus nadagdag sa ikalawang edisyon ang tulang Ang Pag-ibig (Taliba, 20 Disyembre 1920). Iba pa ito sa tulang Pag-ibig (Taliba, 14 Agosto 1926) na nasa Ibong Asul din. Kaya 29 lahat ng tula sa Ibong Asul sa ikalawang edisyon.

(b) Ang Pamana
1. Ang Balangkas ng Buhay (Liwayway, Enero 8, 1926)
2. Katiwasayan (Taliba, Enero 31, 1927)
3. Pagtatanghal (Taliba, Pebrero 1, 1927)
4. Kamantigi (Taliba, Marso 18, 1927)
5. Ang Pangako (Taliba, Disyembre 16, 1927)
6. Ang Himala ng mga Mahihina (Taliba, Setyembre 6, 1928)
7. "Nahawakan Ko Rin" (Taliba, Oktubre 6, 1928)

Muli, ang tulang Sa Dati Ring Perya na nasa Sa Siyudad ng Ilaw ay nalipat sa Ang Pamana. Kaya 38 tula sa unang edisyon minus 7 tula equals 31 tula, plus isang nalipat na tula, equals 32 lahat ng tula sa Ang Pamana sa ikalawang edisyon.

(c) Sa Siyudad ng Ilaw
1. Triptiko Anormal (Taliba, Enero 25, 1921)
2. Nang Mamoda ang Kamisetang Seda (Taliba, Enero 28, 1924)
3. Ang Pook na Nalimot ng Konsehal (Taliba, Nobyembre 11, 1924)
4. Bodabil Istar (Taliba, Abril 23, 1929)
5. Ang mga Anak ni Sela (Taliba, Hulyo 26, 1929)
6. Ang Lintik na Tubig Ay Ayaw Tumulo (Taliba, Setyembre 27, 1929)
7. Beauty Parlor ng mga Lalaki (Taliba, Pebrero 27, 1930)

32 tula sa unang edisyon minus 8 tula ay 24 na tula sa ikalawang edisyon. Subalit nailipat lang pala mula sa Sa Siyudad ng Ilaw tungo sa Ang Pamana ang tulang Sa Dati Ring Perya, kaya pito lang ang nawala.

(d) Bayan Ko
1. Tila Ka Gagamba (Taliba, Setyembre 12, 1927)
2. Ang Kayumanggi (Taliba, Abril 5, 1928)

Sa pagsusuma:

Ibong Asul = 32 - 4 + 1 = 29
Ang Pamana = 38 - 7 + 1 = 32
Sa Siyudad ng Ilaw = 32 - 8 = 24
Bayan Ko = 29 - 2 = 27

Kaya kung may 131 tula sa Unang Edisyon, minus 19 tula, ay may 112 tula na lang sa Ikalawang Edisyon.

Kaya kaypalad ng may mga Unang Edisyon, tulad ko, sapagkat mayroon pa kaming kopya ng labingsiyam na tula ni Huseng Batute na nasa Unang Edisyon. Ang tanong ko na lang: Bakit kaya tinanggal ni Almario ang labingsiyam na tula ni Batute sa Ikalawang Edisyon? Wala siyang paliwanag sa aklat. O marahil kaya hindi na niya iyon ipinaliwanag dahil baka tingin niya'y hindi na kailangan. Marahil mababatid lang natin ang sagot pag siya'y kinapanayam. Ang mahalaga'y nababasa natin ang mga tula ni Jose Corazon de Jesus.

Tara, atin nang basahin ang mga tula ng makatang Huseng Batute.

ANG LABINGSIYAM NA NATANGGAL NA TULA NI HUSENG BATUTE

kayganda nang pamana / ang sangkaterbang tula
ni Corazon de Jesus / na dakilang makata
sa dalawang edisyon / ito na'y nalathala
pananaludtod niya'y / sadyang kahanga-hanga

ngunit aking napuna / nang binabasa iyon
may nabawas na tula / sa ikal'wang edisyon
kaypalad ko't nabasa / ang nawawalang iyon
pagkat mayroon ako / ng una pang edisyon

labingsiyam na tula'y / natanggal nang sinuri
kaya ramdam ko agad / ay hinayang at hikbi
mga tulang nawala / sana'y pinanatili
nang mabasa rin iyon / ng bagong salinlahi

gayunman, sa puso ko'y / taos-pasasalamat
na tula ni Batute'y / nailathalang sukat
kadakilaan niya'y / sadyang naisiwalat
patunay itong siya'y / makatang maalamat

10.14.2024

Huwebes, Mayo 16, 2024

Ang dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula"

ANG DALAWANG EDISYON NG AKLAT NA "JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayroon na akong dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus" Mga Piling Tula" na ang pagitan ng pagbili ko sa mga ito ay dalawampung taon at apat na buwan. Ang editor ng mga nasabing aklat ay si National Artist for Literature Virgilio S. Almario.

Ang unang edisyon, na may paunang salita ng namayapa nang dating Senador Blas F. Ople, ay nabili ko sa halagang P250.00 sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na kalahating pulgada, at binubuo ng 252 pahina, 200 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 52 pahina ang naka-Roman numeral.

Ang ikalawang edisyon naman ay nabili ko sa halagang P350.00 noong Abril 17, 2024, sa Gimenez Gallery ng UP Diliman, habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang alagad ni Balagtas. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na 7/8 pulgada, at binubuo ng 270 pahina, 260 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 10 naman ang bumubuo sa pahinang pampamagat, karapatang-sipi at talaan ng nilalaman.

Sa pabalat ng unang edisyon ay tatlo ang litrato ni de Jesus, habang isang litrato na lang sa binagong edisyon.

Sa unang edisyon, ang pambungad ni Almario, na may pamagat na "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus" ay nagsimula sa pahina xiii at nagtapos sa pahina l, o pahina 13 hanggang 50. Kaya 38 pahina iyon (50 - 13) + 1 = 38.

Sa ikalawang edisyon, nagkaroon ng mga dagdag o inapdeyt ni Almario ang pambungad, subalit umabot na lamang iyon ng 33 pahina, dahil mas maliit ang sukat ng font nito kumpara sa unang edisyon. Nakalagay din sa dulo niyon:

Unang bersiyon: 9 Oktubre 1984
Binago: 22 Oktubre 2022

Gayunpaman, napansin ko sa ikalawang edisyon na may ilang natanggal na tula mula sa unang edisyon.

Suriin natin ang talaan ng nilalaman. Hinati sa apat na kabanata ang mga tula, na nilagyan ng pamagat:

Ibong Asul - 32 tula sa unang edisyon; 29 tula sa ikalawang edisyon; 3 tula ang nawala

Ang Pamana - 38 tula sa unang edisyon; 32 tula sa ikalawang edisyon; 6 na tula ang nawala

Sa Siyudad ng Ilaw - 32 tula sa unang edisyon; 24 tula sa ikalawang edisyon; 8 tula ang nawala

Bayan Ko - 29 tula sa unang edisyon; 27 tula sa ikalawang edisyon; 2 tula ang nawala

Kung isasama ang pambungad na tulang Paghahandog na nasa una't ikalawang edisyon, na hindi kasama sa mga nabanggit na kabanata, ang unang edisyon ay binubuo ng 132 tula, habang ang ikalawang edisyon ay binubuo na lamang ng 113 tula, at 19 na tula ang tinnggal sa ikalawang edisyon.

Kaya maganda pa ring mayroon ako ng unang edisyon dahil mababasa ko pa rin ang nawalang 19 na tula sa ikalawang edisyon.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ANG AKLAT NG MGA TULA NI HUSENG BATUTE

mayroon na akong / dalawang edisyon
ng aklat ng tula / ni Jose Corazon
de Jesus, tunay na / naging inspirasyon
sa tugma't sukat na / dito natitipon

ngunit una'y tila / iba sa ikalwa
pagkat labingsiyam / na tula'y wala na
siya namang aking / ipinagtataka
na tulang nawala'y / wala ring kapara

gayunman, saludo / pa rin kay Sir Rio
siyang nagsaliksik / at nagtipon nito
nagkaroon tayo / ng nasabing libro
mga tulang ginto / bagamat di puro

tanging masasabi'y / maraming salamat
mga tula rito'y / nakapagmumulat
tulang Manggagawa'y / inspirasyong sukat
na paborito kong / agad nadalumat

05.17.2024

Miyerkules, Mayo 1, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Martes, Setyembre 7, 2010

Manggagawa - ni Jose Corazon de Jesus

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.98


Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa pahayagang Obrero o sa pahayagang Ang Sosyalista para maipalaganap sa mga manggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa unang saknong ng isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

GUNITA SA NAGDAANG KAMUSMUSAN
ni Jose Corazon de Jesus

Sa isang mahaba / at dating kalsada
ang kurus sa Mayo / ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong / mga sampagita;
sa kamay may kurus / siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon, mula sa aklat na Tudla at Tudling, p.370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga p.167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, p.53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ng pantig bawat taludtod), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.