Martes, Setyembre 7, 2010

Manggagawa - ni Jose Corazon de Jesus

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.98


Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa pahayagang Obrero o sa pahayagang Ang Sosyalista para maipalaganap sa mga manggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa unang saknong ng isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

GUNITA SA NAGDAANG KAMUSMUSAN
ni Jose Corazon de Jesus

Sa isang mahaba / at dating kalsada
ang kurus sa Mayo / ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong / mga sampagita;
sa kamay may kurus / siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon, mula sa aklat na Tudla at Tudling, p.370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga p.167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, p.53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ng pantig bawat taludtod), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

1 komento:

  1. kala ko kung san yung tumunog ito palang link nato un,,... ang ganda ng nilalalaman..

    TumugonBurahin